Sa nakalipas na dalawamput-isang buwan at isang linggo, unti-unting nawawalan ng saysay ang anim na taong iginugol ko sa pag-aaral sa USM. Sa aking kasalukuyang katayuan, ang aking propesyon ay parang isang kaluluwa—nandiyan lang sa isang tabi, nagpaparamdam, ngunit hindi ko nakikita ang kanyang silbi! ...sa bagay, kung hindi marahil sa aking natapos sa Pilipinas, hindi rin siguro ipinagkaloob ng Australian Immigration ang hawak kong visa ngayon.
Isang napakasamang bangungot para sa akin ang magtrabaho bilang isang karaniwang magmamanok dito sa Australia! Kinikilabutan akong suungin araw-araw ang makapal na alikabok, at ang nakasusulasok na amoy at hibla ng mga balahibo ng manok na nakalutang sa hangin sa loob ng shed! Kahindik-hindik ang mamulot at maglibing ng daan-daang mga patay na manok araw-araw! Nakakakilabot ang magpatakbo at maglingap ng isang napakalaking manukang may mga makabagong kagamitang mekanikal at elektrikal! Nakakaduwag ang magtrabahong mag-isa sa gabi, pati ang tumira sa isang nilisang bahay na napakalayo sa kabihasnan!
Nakakatakot! May nagpaparamdam... Tumatayo ang aking mga balahibo sa nakalipas na limang araw dahil nararamdaman ko ang kawalan ng gana sa aking pang-araw-araw na mga gawain. Nagsisilundagan ang mga daga sa loob ng aking dibdib dahil parang ayaw ko nang ipagpatuloy ang sinimulan kong laban para sa aking mataas na PangaRap!
Natatakot rin naman akong biglang lisanin ang manukang ito. Nangangamba akong mawalan ng trabaho sa gitna ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya... Ikinakatakot kong umuwi sa Pilipinas at maging isang palamunin ng aking ina! Ano kaya ang naghihintay sa akin pagdating ko sa aking Bayang matagal ko na ring iniwan? Iuunat kaya Niya ang Kanyang mga braso upang ako'y yakapin pagbaba ko ng eroplano, o ako’y katakutan at palalayasin na tulad ng isang dyablo?
Ayaw kong tumanggap o humarap sa kasindak-sindak na mga panlalait, kaya takot rin akong basta nalang susuko sa labang ito. Ayaw kong tawaging isang batang takot sa multo o isang batang talunan!
Limang buwan na lang sana ang aking hihintayin at matutupad na rin ang aking pinaPangaRap! 154 na tulog nalang sana at ako’y makakalabas na mula s4 kulun5ang i7o, at malaya ko na ring masisilayan ang bukang-liwayway na hindi na isang bilanggo sa rehas ng aking mga PangaRap! 154 na araw nalang sana ang aking titiisin, pero bakit ako ngayo’y minumulto ng napakaraming mga katanungan at walang humpay na binabagabag ng di mabilang na mga kinatatakutan?
Paubos na yata ang aking katapangang harapin ang mga katakot-takot na pagsubok! ...mga pagsubok para sa isang beterinaryong Pilipino—na piniling maging isang karaniwang magmamanok sa ibang bansa.
Dito sa mundo, ang daming multo!