Kapag masaya ako, at wala akong pinuproblema, natatakot ako. Batid ko kasi ang katotohanang habang ako'y nabubuhay, siguradong may haharapin akong mga hamon. Kaya kung wala man akong pinapasan sa ngayon, posibleng mamaya, bukas o sa susunod na araw ay may darating na panibagong suliranin...
Ako'y napaka-
unfair dito sa aking
blog, kasi madalas ang
update kapag ako'y may masamang dinaramdam o nalulungkot; pero kapag ako'y masaya, walang naidadagdag na mga bagong pahina. Pero heto, pilit kong pinipiga ang aking utak, nang may maisusulat dito sa ngayon habang ako'y masaya.
Seventeen days ago, inilabas ko bilang '
status' sa aking
Facebook account, na para akong naturukan ng
morphine, nawala ang lahat ang mga nararamdaman kong hapdi at sakit noon, at para akong nakalutang sa alapaap! 'Yan ang hatid ng
Australian Permanent Residency visa na ipinagkaloob sa akin ng
DIAC noong May 3, 2010. Alam kong para sa iba, ang bagay na ito ay walang halaga.
This is nothing. Pero para sa aking mahigit tatlong taon ding hindi nakaramdam ng saya sa nakuhang trabaho rito sa ibang bayan (sapagkat napaka-
stagnant ng aking naging kalagayan sa mahabang panahong 'yon), ang aking PR ay sapat na, o sa tingin ko nga'y humihigit pa sa kinailangan kong gamot para malunasan ang noo'y malubha kong karamdaman.
Naalala ko tuloy ang aking linya (bilang si Padre Guerrero) sa isang
play noong ako'y nasa kolehiyo pa... Ang tanong ni
father kay Badong (na nangangarap maging isang ganap na sakristan), "
...at itinuro rin ba sa 'yo ni Father O'Connor ang kahalagahan ng tiyaga at ang kabanalan ng paghihintay?"
Lubos at taus-puso ang aking pasasalamat sa lahat ng aking mga naging kaibigan dito sa
blogosphere... nang dahil sa inyong mga payo, nakayanan kong maging matatag noong mga panahong muntik na akong sumuko.
Sa ngayon, nakapagpahinga na rin siguro ang pagod na tenga ng Diyos nang dahil sa aking paulit-ulit na mga dasal noon. Magtatatlong linggo na rin Siyang hindi nakarinig ng mga personal na kahilingan mula sa akin, sapagkat sa nakalipas na mga araw ay puro pasasalamat ang aking nasasambit sa aking mga panalangin.
Sa ngayon, hindi pa rin alam ng aming mga alagang manok na iniwan na sila ng kanilang dating
farm manager. 'Di ako sigurado, pero sa tingin ko ay hindi nila naramdamang ako na ang bumabalikat sa kanila. Natutuwa akong ang aming lumang
farm vehicle ay pinalitan na rin sa wakas ng isang desenteng sasakyan. Nagpapasalamat din akong ang isang tauhan ditong noo'y hindi nakikiisa sa pangkat, ngayo'y nangunguna sa pakikiisa lalung-lalo na sa mga
maintenance and repair works ng manukan. Kung saan ako mahina, may taong nakisama at nagkataong napakahusay naman sa aspetong ito.
Wala na akong inaalalang napakamahal na bayarin para sa
private health insurance, sapagkat tinutulungan na ako ng
Medicare Australia. Wala na rin akong dapat alalahaning ma-i-
expire na
working visa.
Nagkaroon ako ng kapalagayang loob, nagkaroong muli ng
focus. Hindi ko na iniisip sa ngayon ang napakakapal na alikabok at mga nakalutang na hibla ng balahibo sa loob ng
chicken sheds. Wala na akong paki-alam kung umabot man ng-50'C o 'di kaya'y mag-minus 9'C sa labas. Ayos lang sa akin ang maging
on call beynte quatro oras, pumasok sa loob ng manukan ng
alas-diyes ng gabi o 'di kaya'y
alas dos ng madaling araw, basta ang mahalaga, maging maayos ang lahat dito sa aking trabaho. Nakakapagtaka, kahit na araw-araw akong pumapasok, pakiramdam ko araw-araw rin akong naka-
day off. Hinahangad at ipinagdarasal ko talagang sana ay ganito nalang palagi ang aking pakiramdam.
Sa ngayon, nilalasap ko na muna ang mala-
morphine side-effect na naging bunga ng mga pagbabago sa aking buhay kamakailan lamang. Maaaring bukas ay darating na aking kinatatakutang mga problema, pero sa tingin ko, sa dami ng mga hirap, pagod at hapding nalagpasan ko noon, anumang uri ng hamong darating sa akin bukas ay siguradong aking kakayanin. 'Ika nga ni Doc Ed, na
boss ko sa Monterey noon, "
Anything that isn't fatal will surely make you stronger."
.