Alas-sais ng gabi kahapon ng bigla kong naramdamang ako’y nagsimulang manghina. Naibalita kasi sa telebisyong US$ 0.66 nalang ang halaga ng isang Australian dollar, binanggit pang US$ 0.96 ito noong nakalipas na Hulyo. Agad kong inalam ang palitan ng piso sa Au$. P31: Au$1 nalang, samantalang noong Hulyo ay umabot ito ng P42.
Bakit ganito? Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil lumalakas na ang piso, o kung may karapatan ba akong malungkot dahil humihina na ang halaga ng salaping aking kinikita?
Kahit medyo mahina ako sa Math, napakahilig ko talagang mag-convert. Halimbawa, kapag bumili ako ng isang sakong bigas (5 kilo) sa Asian Store, Au$15 ang halaga nito. Ibig sabihin, P630 ito noong July, P465 nalang ito ngayon! Dapat ba akong matuwa?
Hindi ako ekonomista kaya hindi ko lubusang maipaliwanag sa aking sarili ang mga kasalukuyang pangyayari sa pandaigdigang merkado. Basta ang alam ko, trabaho lang dapat ako ng trabaho. Araw-araw kailangan kong panatilihing malusog at busog ang aking mga alagang manok. Hindi naman pwedeng bawasan ko ang oras ng aking trabaho dito sa manukang ito dahil P31 nalang ang palitan. Parang ayaw ko pa rin namang bumalik sa Pilipinas ngayon dahil lumalakas na ang halaga ng piso kontra Au$.
Kahit naghihina ang aking buong katawan, kailangan kong ipakitang ako’y may kalakasan! Bibili nalang ako ng masustansiyang mga pagkain at saganang suplay ng multivitamins. Mura lang naman ito ngayon, kapag i-convert.
1 comment:
hehe, akala ko may sakit kana... nakakalungkot isiping lahat tau apektado ng krisis sa ekonomiya ng amerika... minsan nangangarap ako sana bumalik sa dati... kung saan simple lang ang buhay... di tulad ngayon kada hakbang mo, may gastos!
Post a Comment