Monday, October 20, 2008

Maling Akala

Pwede ba akong humindi? Maniniwala ba sila kung aking sasabihing wala akong pera kaya hindi ko sila matutulungan sa gitna ng kanilang madaliang pangangailangan? Pwede ko bang gawing dahilang may binabalak akong bilhin para sa aking sarili?

May kaunti naman akong naimpok, subalit ito’y nakalaan para sa isang sasakyan. Hindi ito luho, dahil sa layo nitong nayong aking kinalalagyan, ang isang sasakyan ay sadyang kailangan! Matagal-tagal ko na rin itong pinag-iipunan, dahil hindi naman pwedeng lahat ng aking kinikita ay mapupunta lang kaagad sa iisang bagay.

Marami rin akong pinagkakagastusan, at pinaghahandaan ko rin ang aking kinabukasan. Bumibili rin ako ng makakain, at kailangan ko ring iayon ang aking mga bihisan sa pabagu-bagong panahon. Nararamdaman ko na rin ang sintomas ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya, dahil ngayon, nasa gitna rin ng matinding pagsubok ang katatagan ng salaping aking kinikita.

Maniniwala ba sila sa katotohanang wala talaga akong labis na perang pwedeng maipautang? Maniniwala kaya silang ang isang karaniwang magmamanok dito sa Australia ay hindi naman mayaman?

Ako’y nasasakal! Dama ko ang matinding hapit ng kanilang paniniwalang ako’y namumulot lang ng limpak-limpak na salaping anumang oras ay pwede kong ipamigay o di kaya’y ipahiram! Paano ko kaya maiaabot ang susi sa Pilipinas upang mabuksan ang nakakandado nilang isipang punong-puno ng maling akala? Ang totoo, hindi ko rin naman kasi hawak ang susing iyon, ang susing sa akin sana’y magpapalaya mula sa napakasikip na tanikala ng kanilang maling paniniwala!

Ako’y nahirapang huminga, kaya ako’y bumigay rin... At sa aking ‘pagbitaw,’ ang minimithi kong sasakyan ay kasabay ring pumanaw!


10 comments:

Dear Hiraya said...

aw.. alam mo bang pangarap ko ring magkaroon ng sariling sasakyan?? nung hayskul ako bago mag college, akala ko lahat ng nagkacollege e nakasasakyan.. kaya yun ang una kong hiniling kina mama.. tapos nung malapit na ako makatapos ngayong kolehiyo, hiniling ko kina mama na regaluhan ako ng sasakyan.. pero dahil lilipat nga ako ng skul, malamang hindi na matutupad yun huhuhuhu

http://fjordz-hiraya.blogspot.com

Anonymous said...

nararamdaman ko ang iyong hinanakit. ang iyong pighati. ayos lang yan kahit hindi yan ayos.

dylan said...

hirap talaga yan tol, galing din ako sa ganyang sitwasyon.. :)

Nanaybelen said...

ay naku ! yan akala nila ,porque nasa abroad ka.. may limpak limpak na pera ka na. Buti nga sila dito sa Pilipinas dala-dalawa ang klasi ng ulam plus meryenda, samantala ang mga nagtratrabaho sa abroad ay tipid sa ulam makaipon lang ng dolyar para sa pag-uwi
hehehe ganon talaga sila. nakakainis ano?

Anonymous said...

gumuhong pangarap...

Anonymous said...

Hirap talaga ng sitwasyon ng tulad mo... akala ng iba basta nasa abroad ka, makina ka na na nagluluwa ng kwarta; tanggihan mo, ikaw pa ang madamot at masama.
Sa tutuo lang, mas nagsisimpatya pa nga ako sa kalagayan ng tatlong brothers (atsaka ke bestfriend) kong nasa abroad kaysa sa kalagayan ko dito sa Pinas. Obyusli, malaki ang sweldo abroad -- pero halos pareho lang din kung susumahin, kasi malaki din ang gastos.

Payo ko brod, i-assess mo pang maigi ang sitwasyon nila, baka kaya nilang remedyuhan dahil marami naman sila dito. Sanayin mong hindi ka ma-guilty kung mahindian mo man sila; unahin mo ang pangangailangan mo. Nag-iisa ka dyan -- pag nagkasakit ka, wala naman sa kanila ang makakapunta para damayan ka.
Sabagay aminado ako... madaling sabihin, mahirap gawin. :( It's worth saying though -- baka sakaling may maisagot sa mga tanong mo. ;)

RJ said...

HOMEBODYHUBBY

Maraming Salamat po sa iyong mga payo...

Anonymous said...

I feel for you. My father is a seaman and everyone, even relatives of how many degrees come to us for financial help. Namihasa na nga yung iba dahil ang nanay ko, hindi naman marunong humindi. Nakakainis. Ang masama pa diyan, pagdating ng bayaran, nagkakalimutan na. I don't know you and I don't have the right to intrude, pero habang maaga, you have to let them know about your plight there. Please be firm in saying "no". Please don't end up like my parents 'coz soon, I will be inheriting this from them as well. :(

Anonymous said...

Hay naku chook! kahit na yung dating kasama na hanggang ngayon e aktibista e ganyan mag isip...tsk tsk tsk!!! kultura kultura oo!!! akala kasi ng marami kapag nasa ibang bansa okey na okey ang buhay..kung di lang nila alam..bukod sa lungkot,,,hirap ding magbudget dahil yung kinikita natin hati sa pansariling pangangailangan at sa pamilya sa pinas. Buti na lang nakakaintindi mga magulang ko.

RJ said...

MANILENYA
Tama, mas mabuti pa ang magulang nakakaunawa sa ating kalagayan... Nahihiya na nga ako sa Nanay ko kasi hindi naman siya humihingi, tahimik at naghihintay lang siya sa ibibigay ko.