Monday, December 29, 2008

Ang Aking 2008

ENERO 2008 nang iniwan ko ang aking dating trabaho sa isang babuyan sa Queensland, Australia matapos ihayag ang di-ko nagustuhang kinalabasan ng aking Job Performance Evaluation doon. Pauwi na sana ako sa Pilipinas ng buwang ito kung hindi dahil sa tulong ng mga kaibigan at kakilala na siyang nagdala sa akin dito sa isang manukan sa South Australia.

Kaya habang pinagpaplanuhan ng Malacanang ang pagpapahaba ng serbisyo ni AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon, at habang pinagkakaisahan
ng Kampi ang pagpapalayas kay Speaker Jose de Venecia mula sa kanyang posisyon, ako’y naging abala sa pag-aayos ng aking mga dokumento para sa isa na namang working visa rito sa bansang Australia.

PEBRERO 2008. Wala akong trabaho sa buong buwang ito, pero dahil sa mga mababait na taong aking nakilala sa Queensland, nakayanan kong manirahan sa Australia kahit ako’y hindi kumikita. Kasalukuyan kong hinihintay ang pasya ng Australian Department of Immigration and Citizenship (DIAC) tungkol sa aking panibagong working visa application nang nag-sorry si Australian Prime Minister Kevin Rudd sa lahat ng mga biktima (aborigines) ng Stolen Generations dito sa Australia noong mga taong 1869 hanggang 1969.

MARSO 2008. Sa unang tatlong linggo ng buwang ito ay wala akong nababalitaan tungkol sa aking ini-apply na visa, subalit hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa, tulad ng pag-asang hawak ng magkakapatid na Noynoy, Kris, etc. Aquino na malulunasan pa ang natuklasang colon cancer ng dating Pangulong Cory.

Marso 2008 din nang sinabi ni Pangulong Arroyo na sapat ang suplay ng bigas sa bansang Pilipinas, at sampung araw matapos niya itong sabihin ay iginawad na rin sa wakas ng DIAC ang aking bagong working visa para sa isang manukan.

Sa buwan ding ito nagsimula ang The Chook-minder’s Quill pero hindi pa ito naging aktibo sa blogosperyo.


ABRIL 2008 nang nakarating ako sa Sydney Opera House, ito’y nangyari isang araw bago ako nagsimulang magtrabaho rito sa napakaalikabok manukan. Habang ako’y kasalukuyang nag-a-adjust sa aking bagong trabaho at mga kasamahan nababalitaan ko sa ABS-CBN Bandila tuwing umaga ang mabilis na pagtaas ng presyo ng bigas sa Pilipinas at ang mga mahahabang pila ng mga mamimili sa mga palengke para lamang makabili ng NFA rice.


MAYO 2008 nang nalungkot ang mga sakop ng Anakpawis dahil sa di-napapanahong pagpanaw ni Rep. Crispin Beltran. Sa buwan ding ito nagsimula ang mainit na usapin sa pagitan ng GSIS at Meralco hanggang sa nakarating sa balasahan sa Court of Appeals kung kaya naging sikat ang magkapatid na Sabio, pati na rin sina Justices Vicente Roxas at Bienvenido Reyes. Hindi ako nakatutok sa mga balita ng buwang ito dahil naging abala naman ako sa pagbabantay ng manukan habang nagbakasyon ng isang buwan sa Iran ang aming farm manager.


HUNYO 2008 habang ako’y abala sa paghahanda para sa aking South Australian Driver’s Examination, dinukot ng mga nagpakilalang Abu Sayaff ang mamamahayag ng ABS-CBN na si Ces Drilon kasama ang kanyang mga cameramen.

Tuwang-tuwa ako dahil nakuha ko kaagad ang aking SA driver’s licence noong ika-19 ng Hunyo subalit pagkalipas ng dalawang araw naghinagpis naman ang mga pamilya at mga mahal-sa-buhay ng mga naging biktima (773) ng pagkalunod ng M/V Princess of the Stars malapit sa San Fernando, Romblon.


HULYO 2008 nang naitala ang pinakamataas na presyo ng langis ($132.55/bariles) ngayong 2008 kaya lahat ay apektado, maraming na-'high blood', lalo na ako dahil nagkataon ding nagka-problema kami sa contractor ng bahay na pinapatayo sa Pilipinas ng aking tiyahing kasalukuyang nasa Inglatera. Tumaas ng triple ang halaga ng dapat sana’y abot-kayang halaga ng kubong ‘yon... At kung hindi lang dahil sa kapayapaan at pagmamahalang naging mensahe ni Pope Benedict XVI sa World Youth Day 2008 na idinaos sa Sydney, NSW marahil ay kung ano na ang aking nagawa sa contractor ng construction naming ‘yon doon sa Pilipinas.


AGOSTO 2008, hindi na talaga mapigilan ang aking pagtanda dahil sa buwang ito ay opisyal na akong naging 29 na taong gulang! Kaunti lamang ang bumati sa akin ng Happy Birthday, siguro’y dahil may hang-over pa ang lahat sa magarbo at matagumpay na Olympics 2008 na ginanap sa Beijing, China.

Naging apektado rin ako rito sa Australia nang ibinalita ang inililihim na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain sa Mindanao na siyang pinangunahan ng retiradong Heneral Esperon na naging Peace Adviser na ni Pangulong Arroyo ng mga panahong ito.


SETYEMBRE 2008 nang nalason ang humigit-kumulang 53,000 mga bata sa Tsina dahil sa gatas na kontaminado ng melamine, na sinabayan naman ng pagkahilo ng aming buong pamilya dahil sa problemang dala ng pag-ibig! Whew! Hanggang ngayo’y hindi pa ito tuluyang nalutas at hangad kong sa darating na taon ay masosolusyunan na rin ito sa tulong ng Maykapal. Dahil sa mga suliraning ito, tuluyan akong naging manhid sa pandaigdigang balitang nalulugi na ang malaking kumpanyang Lehman Brothers sa Estados Unidos!

OKTUBRE 2008 nang bumalik sa Pilipinas ang sinasabing utak ng DA-Fertilizer Fund Scam na si Joc joc Bolante matapos ang halos dalawa’t kalahating taong hawak siya ng US Immigration and Customs Enforcement. Pero di ko masyadong natutukan ang balitang ito dahil naging abala ako sa aking pagba-blog sapagkat sa buwang ito ko napagpasyahang makisali na rin sa kapana-panabik mundo ng blogging.


NOBYEMBRE 2008 nang nangyari ang isang pinaka-nakakahiyang kaganapan sa aking buhay ngayong taon nang ako’y pumunta sa isang kasalan ng isang kaibigan sa Glenelg, S.A. Samantalang doon sa Estados Unidos, nagsasaya naman si Barack Obama at ang kanyang mga taga-suporta dahil sa kanyang tagumpay sa US Presidential Elections 2008 laban kay John Mc Cain.


DISYEMBRE 2008 binisita ko ang Victoria, Australia dahil hangad kong makita ang lungsod ng Melbourne at ang ipinagmamalaki nitong The Twelve Apostles sa The Great Ocean Road! Natuwa naman ako sa aking mga naging karanasan, mga nakilala at mga nakita! NAGKAROON DIN AKO NG koneksiyon sa The Filipino Channel at naayos ang airconditoning system ng aking caravan (matapos ang tatlong buwang paghihintay ng technician). HINDI AKO NAKAPANOOD NG boxing match nina Pacquiao at dela Hoya dahil ako’y dumalo sa isang Christmas party noong araw na ‘yon.

Libu-libong mga OFW ang umuwi sa Pilipinas ngayong buwan pero ang karamihan ay hindi umuwi upang ipagdiwang ang Pasko kasama ang kanilang mga pamilya kundi dahil nawalan na sila ng trabaho dahil sa pandaigdigang krisis pang-ekonomiya. Kaya kahit nahihirapan ako at hindi ko nakikita ang aking kabuluhan bilang isang magmamanok dito sa bansang Australia, swerte pa rin siguro ako dahil ako’y may trabaho. Sana’y matutunan ko ring mahalin ang gawaing ito at ipinagdadasal kong sana’y magkaroon na rin ako ng Australian residence visa ngayong Taon ng Toro—ang 2009!

Manigong Bagong Taon sa ating lahat!

Thursday, December 25, 2008

Noche Buena sa Australia

Akala ko'y magiging malungkot na ang pagdiriwang ko ng Pasko rito sa manukan. Tulog ako simula alas siyete ng umaga hanggang alas tres ng hapon kahapon (24 Dec. 2008) dahil pumasok pa ako sa trabaho noong nakaraang gabi, at 6:15 ng umaga na ako nakatapos.

Dalawang mga manok ang aking kinatay, mga alas quatro ng hapon, para sa Noche Buena. Dala-dala ang mga dressed chickens, iniwan ko muna ang Aking Tahanan at pumunta sa kabilang farm (3kms. away). Nandoon sa manukang 'yon si Gem- isang kaibigang Filipinong farm manager, nasa parehong company kami.

Mga alas sais ng gabi nang dumating ang aming kaibigang si John at ang kanyang asawang si Melissa galing Dublin, S.A., at si Kuya Bruce na mula sa kalapit na bayan ng Wild Horse Plains para samahan kami ni Gem habang kami'y nagbabantay ng mga manok- na hindi naman pwedeng basta nalang iwan lalo na ngayong malalaki na ang mga ito.

May dala silang mga pinamalengke nila galing sa Woolworths na sabay-sabay naman naming inihanda at iniluto.



Si John at ako habang nagi-grill ng hita ng lamb! Si John ang pinakamasarap magluto sa aming lahat, at kung naaalala niyo siya ang ikinuwento ko noon sa aking post ditong Baybayin at Bigkasin.


Ang hita ng lamb.



Crackling roasted pork at prawns...




Ang aming hapag sa Noche Buena...




...at ang alak.



Brandy basket with custard, thick cream, whipped cream and fresh fruits for dessert!


Sama-sama sa Noche Buena dito sa Australia.
(Lissa, John, Gem, Bruce, RJ)


Kahit papaano naging masaya naman ang aming pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo! Maligayang Pasko sa lahat!


--------------------
Ang dalawang litsong manok ay naiwan pa sa oven nu'ng kami'y kumain, nauna kasing isinalang ang roasted pork. Sa Christmas lunch nalang namin kakainin ang litsong manok.

[Pananghalian sa araw ng Pasko ang nakagawiang salu-salo ng mga taga-Australia, hindi tulad nating sa hating-gabi ito ginaganap. Kung ang mga litson, hamon at queso de bola ay hindi nawawala sa hapag-kainan ng mga Pilipino tuwing Pasko, ang whole roasted turkey naman ang palaging inihahanda ng mga Australians sa kanilang Christmas lunch.]

Sunday, December 21, 2008

My Christmas 2,008

I know I need to end all My iLLusions! I have to accept the fact that Santa Claus does not exist in my world anymore, and finally have to admit that no Santa could ever grant even just one of my wishes this Christmas!

As expected, my Christmas would be literally cold and dull this year. Aside from celebrating alone inside My Caravan, and possibly doing the night chicken harvest, the average temperature forecast for Adelaide on the 25th is only 22’C—much better than the usual Australian summer temperature in the previous years (it’s warmer, whew!).

A little bit dull because during this holiday season, I am held in captivity (as usual) with my chickens in this isolated poultry farm—93 kilometres away from the colourful Christmas decorations, deprived of the shining Christmas lanterns and of those shimmering Christmas lights in the capital city of S.A.!

For the past 5 days, the breeze has been carrying these fine fibres of dried wheat and barley straws from the adjacent auburn field towards my place! These nasty stuff outside complicates with the dusty, smelly and feathery environment inside the chook shed that are constantly threatening my respiratory health should I fail to wear the necessary protective mask all the time.

My daily south-eastern view from this Aussie caravan has always been the same (except the varying colour of the landscapes) since I arrive in Port Wakefield last January. The flock of sheep and the herd of cattle grazing on the dead, brown grasses across the boundless and dry South Australian horizon are the only colours that my eyes could ever enjoy during this time of Advent.

The other night I was awakened by the lingering and later, interrupted plaintive bleat of a lamb that had been probably left or lost from the flock somewhere in the middle of the nearby field. I got out of the caravan and attempted to locate the origin of the disturbing noise but I failed because the night was dark. The moon was missing and those countless flickering stars up above the black sky were the only source of faint light on this sunless side of the earth that time.

Cold, dark and starry night...Wheat and barley straws... Cattle, sheep, chicken and the dusty, smelly shed—this is My Christmas this 2008! Should there be a cry of a newborn child, I would think that this is exactly the First Christmas 2,008 years ago!


Thursday, December 18, 2008

Dumb and Deaf


I have a lot of stories to tell...
but I am not feeling well!
I wish I could hear the ringing bell
as we celebrate the birth of Noel!



Saturday, December 13, 2008

Kalayaan

Kay Rizal... Kay Bonifacio.
Kay Marcos o kay Aquino.
Kay Jollibee o kay Mc Do.
'Kapamilya' o 'Kapuso.'
Smart o Globe sa telepono.
Cha-cha doon sa kongreso
pati na rin sa senado.
Sa relihiyon at prinsipyo-
hati ang mga Pilipino!

Thursday, December 11, 2008

Kulog at Kidlat

MAULAP ANG KALANGITAN... Summer na summer na pero nasa 23’C lang ang pinakamataas na temperatura sa labas ngayong araw. Nagkamali ‘ata ang panahon, baka akala niya ay tag-sibol pa rin ngayon. Pero ang sabi ng ulat-panahon kaninang umaga, malamang na ngayong tag-araw ay magkakaroon ng La Nina dito sa Australia.

Siguro ang dasal ng mga Australyano ay narinig na rin ng Panginoon. Simula kasi nu’ng dumating ako rito sa kanilang bansa noong Enero ng nakaraang taon, ang buong bansa ay tinatamaan ng El Nino Phenomenon.

Ang takbo ng panahon ngayong araw ay hudyat na siguro ng pagsisimula ng nakikinita ng mga siyentipiko sa magiging lagay ng panahon sa bansang ito. Kaninang umaga nang ako’y gumising, pumapatak ang ulan kaya ako’y muling nahimbing! At kanina sa trabaho, umambon naman ng husto!

KANINA RIN SA TRABAHO, kumulog at kumidlat! Kumulog at kumidlat pero hindi doon sa kalangitan, kundi dito sa loob ng aking katawan! Nakaramdam ako ng isang napakatinding sakit na biglang gumuhit dito sa ibabang bahagi ng aking likuran! Sagad hanggang butong tumagos mula sa ‘king mga kalamnan!

Ako ngayo’y hindi nakakatayo ng tuwid, at kapag pilitin kong maglakad napakatinding sakit ang hatid! Ayaw ko ng ganito... Ayaw kong nagkakasakit ako... Lalo na ngayong Pasko, at malayo pa sa pamilya ko!

Wednesday, December 10, 2008

Mga Kayamanan

Sa Pilipinas anim na taon akong nag-aalaga ng mga hayop para sa masang Pilipino, pero ngayon ako'y nagpapakahirap mag-alaga ng mga manok para sa mga Australyano.

Dito sa Australia, ang isang dayuhang manggagawang tulad ko ay naghahanap ng kayamanan sa loob ng chicken sheds. Ngunit sa labas ng mga maalikabok na manukang ito, may mga kayamanang umaapaw. Sobra-sobrang mga kayaman ngunit hindi naman magiging akin!


-------------------

"GUMASTOS NGAYONG PASKO!" Ito ang panawagan ni Australian Prime Minister Kevin Rudd sa lahat ng mga biniyayaan niya ng bonus noong December 8, 2008. Ito ay bahagi ng Economic Security Strategy ng pamahalaang Australia.

Au$1.8 bilyon ang ipinamigay ng Federal Government ng Australia noong Lunes sa mga:

1. Pensioners/Seniors/Veterans - Au$1,400 kung nag-iisa na sa buhay

- Au$2,100 para sa mag-asawa

2. Carer Allowance - Au$1,000 para sa mga taong nag-aalaga ng kanilang mga kamag-anak na matatanda at nagkakasakit na. Kaya kapag pinili nilang alagaan ang kanilang asawa, tatay, o nanay na maysakit, tiyak na makakatanggap sila ng isanlibong dolyar na bonus ngayong Pasko.

3. First-time Home Buyers - Mula sa dating Au$7,000 ginawa nang Au$21,000 ang subsidiya ng pamahalaan sa mga taong ngayon pa lang bibili ng bahay.

4. Family Tax Benefit - Au$1,000 bawat anak na may edad 21-pababa. Ibinibigay ito sa mag-anak na kumikita lamang ng Au$12,287 o mas mababa bawat taon. Kaya mas maraming anak, mas malaki ang makukuhang bonus, mas mayaman ngayong Pasko!

Source: The Australian


--------------------

"KUMAIN NG KARNE NG CAMEL!" Ito naman ang sinabi ng mga siyentipiko ng Australia, at kanila itong itataguyod sa lahat ng mga lider ng bansa sa Canberra ngayong araw.

Dumudoble raw kasi ang populasyon ng mga camel sa Australia tuwing ika-9 na taon kaya sa kasalukuyan humigit-kumulang 1 milyong mga camel na ang malayang gumagala sa mga gitnang bahagi ng kalupaan (3.3 milyon sq. km.) ng Australia. Dahil dito, sinabing ang Australia na ang may pinakamaraming mga mailap na mga camel sa buong mundo.

Napag-alaman ng mga mananaliksik sa Nothern Territory na maraming mga inprastraktura ang nagigiba, at masyadong nasisira ang kapaligiran dahil sa mabilis na pagdami nitong mga camel dito sa Australia.

Unang dinala ng mga Afghan ang mga camel dito sa Australia noong taong 1838 upang makatulong sa paggawa ng mga telegraph lines, riles ng tren, pagmimina atbp. doon sa mga madisyertong bahagi ng bansa. Sino ang mag-aakalang pagkatapos ng 170 taon ay magiging problema itong mga hayop na kanilang pinakawalan sa disyerto noon.

Kung 15% lang ng mga Australiano ang kumakain ng karne ng kangaroo, di ko lang alam kung ilan sa kanila ang gustong kumain ng karne ng camel, habang umaapaw naman ang tone-toneladang mga karne ng baka, baboy at tupa rito sa bansang ito.

Titikim naman ako kapag may mabibili nang karne ng camel sa mga supermarkets.

Sources: ABC News

Flinders Ranges Research


--------------------

Nabanggit na lang din ang kangaroo, naisulat ko na dati na ang buntot ng mga kangaroo ang siyang pinakamahalagang bahagi sa pagbabalanse ng kanilang katawan. Kapag ang kanilang buntot ay masaktan o masugatan hindi na sila makakalundag!

Sa aking pamamasyal sa Narana Aboriginal Cultural Center sa Victoria noong nakaraang Biyernes, nakita ko ang nulla-nulla. Ito ay isang kagamitan ng mga katutubong Australianong ginagamit na pamalo sa mga buntot ng kangaroo kapag gusto nila itong hulihin para gawing karne at kainin. Ito ay yari sa mga matitigas na halamang makikita sa malawak na kagubatan ng Australia.

Monday, December 8, 2008

I'm Back!

Port Campbell National Park, Victoria, AUSTRALIA

Sila’y nabuo dahil sa hampas ng mga alon, kahit may matinding unos sila’y di nakakaahon, at di nakakaligtas sa bagsik ng panahon! Kahit yari sa batong-apog, di halatang sila'y marupok. Sa gitna ng mga pagsubok, angking kagandaha'y kanilang naabot!

Wala silang mga palamuti o magarang kasuotan, subalit sila’y may angking gandang talagang hinahangaan!

Sila’y di kasinlaki at di kasinlawak ng mainland Australia (7.74 million sq. km.) pero ang kanilang katanyagan ay di naman mapantayan. Sa mga mapa madalas sila’y di nakikita, at kung sila nama’y naisama palagi namang nasa ibaba. Sila’y nandoon sa ibaba, ngunit sila’y tinitingala!

Sila’y di nakakaalis sa kanilang kinatatayuan, at napakalayo ang kanilang kinalalagyan (190 km. southwest of Melbourne) pero sila’y hangad masilayan at sadyang dinadalaw ng karamihan!


------------------------------

Sabado ng gabi pa ako nakarating dito sa Aking Tahanan galing sa pamamasyal sa Victoria ngunit hindi kaagad ako nakapag-update dito. Pakiramdam ko biglang huminto ang mundo dahil sa trip na ‘yon! Sa nakalipas na tatlumput-walong oras kapag may maisip naman akong isulat, hindi ko naman alam kung paano ko ito isusulat. Whew!

Natuwa ako pagdating ko rito sa Aking Tahanan dahil matapos ang 15 linggo gumana na rin sa wakas ang aking aircon matapos ayusin ng napaka-abalang technician! Kaya kahit summer na summer sa labas ngayon, pwede na ring maging winter dito sa loob!

Sinorpresa rin ako ng taga-AAACOM, dahil matapos ang isang buwang paghihintay, naikabit na rin nila sa wakas ang satellite dish para sa aking The Filipino Channel!

At... ang kanang gulong sa unahan ng company vehicle na (gamit ko at) palaging flat sa nakaraang 3 linggo, ay naipa-vulcanize na rin sa wakas ng farm manager! Daming naganap habang wala ako rito. Napakagandang aginaldo ngayong Pasko!

Tapos na ang pamamasyal, balik na ako sa trabaho, at balik na rin sa pagba-blog.

Wednesday, December 3, 2008

I'm Leaving...


ITINERARY OF: RJ, Chook-minder

--------------------
THU 04 DEC 2008, 6:55am

Flight DJ 538 Adelaide to Melbourne
Arriving 8:40am

--------------------
FRI 05 DEC 2008
Tour: The Great Ocean Road:
1. Ancient Rainforest in the Great Otways National park
2. Icons of the Port Campbell National Park
3. The Twelve Apostles
4. Loch Ard Gorge
5. London Bridge

--------------------
SAT 06 DEC 2008, 8:45pm
Flight DJ 555 Melbourne to Adelaide
Arriving 9:35pm


Accommodation:
EASYSTAY BAYSIDE MOTEL
63 Fitzroy Street
St. Kilda, VIC 3182
AUSTRALIA


------------------------------------------
"All work without recreation, makes RJ a dull person!" they say.

Monday, December 1, 2008

Ang Sampung Katotohanan

Nagpapasalamat ako kay Maya at kay Francis Ko sa Friendship Award na ibinigay nila sa akin. Ako’y natutuwa at napili nyo akong bigyan nito, subalit ang award palang ito ay may kasamang tag kung saan kinakailangan kong ilista at i-post dito sa aking blog ang 10 Facts About Myself! Whew! Pinapahirapan niyo naman ako!

Sabi ni Mayalicious, “Wag kayong KJ, gawin nyo 'to! At hindi ko na rin ilalagay ang instructions, malalaki na kayo, I'm sure alam nyo na ang gagawin nyo. Kung nagawa nyo na yan before, pwes gawin nyo uli, basta!

Ang sinabi naman ni Francis Ko, “Gusto ko ring makaalam ng 10 Facts about... RJ...”

Napaka-demanding nilang dalawa. Pero sige pagbibigyan ko na sila. Baka sa susunod ay hindi niyo na 'ko bigyan ng magandang award. [Aba, ‘pag ganito palagi, tag at awards nalang ang blog entry natin nito!]

10 FACTS ABOUT THE CHOOK-MINDER:

1. Ipinanganak sa bayan ng Mlang, Cotabato, Philippines; panganay sa tatlong magkakapatid; at tuwing ika-238th na araw ng taon ang birthday ko.

2. Height: 6’1”

3. Hindi ako nagba-basketball, baseball nalang pwede pa.

4. Weight: 191.4 lbs

5. Right-handed kapag nagsusulat at nagti-text, bukod doon, left hand na ang ginagamit ko.

6. Hindi ko talaga gusto ang hugis at anyo ng ilong ko. Kaya nga ayaw ko sanang magsusuot nitong mask namin dito sa work kung hindi lang talaga maalikabok, dahil baka madadagdagan ang pagka-pango ng ilong ko. Pero sabi ng aking Australian workmate,There’s nothing wrong with your nose, mate! Hahahaha! Natuwa talaga ako sa sinabi niyang ‘yon.

7. Sa buong buhay ko isang music tape (casette) palang ang nabili ko, ang album ni Alanis Morissette. Isang music CD rin ang nabili ko, ang album ng Backstreet Boys. Favorite Song ko ang The Warrior is a Child, pinakapaborito kong gitarahin ang Jubilee Song, Ako’y Isang Pinoy at Ang Panginoon ang Aking Pastol.

8. Kapag ako’y kumain talagang may Go, Grow and Glow foods. Kinukumpleto ko talaga, dapat may representative from every food group. Mahilig din ako sa bagoong, alamang, patis at toyo. Gusto ko tuwing kain ko, isa sa mga ito ang nasa hapag-kainan. Buti nalang may malapit na Asian Store kaya hindi ko ito problema rito sa Australia. Pero pinipilit ko nang iwasan ito... Naaawa na ako sa mga kidneys ko.

9. Particular din ako sa tulog, sa edad kong ito target ko pa rin ang 8 hours of sleep each day. 95% of the time nakukuha ko naman ang length of sleep na gusto ko.

10. Favorite subjects ko noong college ang Veterinary Anatomy at Veterinary Surgery. Pinaka-hate ko naman ang Veterinary Pharmacology pero sa asignaturang ito ako nakakuha ng pinakamataas na marka sa board exam. Nagtataka talaga ako. [Minsan sinubukan ko na ring gumawa ng post about Pharmacology, dahil na-miss ko ito. Nakaka-nosebleed nga lang.]

Ang dami palang pwedeng isulat, ano? Mahigit sampu na nga itong nabanggit ko rito. May pang-11th pa nga sanang nais kong isulat, kung anong blog at kung sinong blogger ang pinaka-favorite ko. Kaya lang 10 facts lang daw!

------------------------


[Nilagyan ko ng pinaka-latest photo ko ang blog entry kong ito. Kuha yan noong November 26, 2008 sa Rundle Mall, Adelaide, S.A. Pasensiya na po, hindi professional photographer ang kumuha niyan kaya minabuti kong i-crop nalang ito. Sana ayos lang sa inyo.]