Kaya habang pinagpaplanuhan ng Malacanang ang pagpapahaba ng serbisyo ni AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon, at habang pinagkakaisahan ng Kampi ang pagpapalayas kay Speaker Jose de Venecia mula sa kanyang posisyon, ako’y naging abala sa pag-aayos ng aking mga dokumento para sa isa na namang working visa rito sa bansang Australia.
PEBRERO 2008. Wala akong trabaho sa buong buwang ito, pero dahil sa mga mababait na taong aking nakilala sa Queensland, nakayanan kong manirahan sa Australia kahit ako’y hindi kumikita. Kasalukuyan kong hinihintay ang pasya ng Australian Department of Immigration and Citizenship (DIAC) tungkol sa aking panibagong working visa application nang nag-sorry si Australian Prime Minister Kevin Rudd sa lahat ng mga biktima (aborigines) ng Stolen Generations dito sa Australia noong mga taong 1869 hanggang 1969.
MARSO 2008. Sa unang tatlong linggo ng buwang ito ay wala akong nababalitaan tungkol sa aking ini-apply na visa, subalit hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa, tulad ng pag-asang hawak ng magkakapatid na Noynoy, Kris, etc. Aquino na malulunasan pa ang natuklasang colon cancer ng dating Pangulong Cory.
Marso 2008 din nang sinabi ni Pangulong Arroyo na sapat ang suplay ng bigas sa bansang Pilipinas, at sampung araw matapos niya itong sabihin ay iginawad na rin sa wakas ng DIAC ang aking bagong working visa para sa isang manukan.
Sa buwan ding ito nagsimula ang The Chook-minder’s Quill pero hindi pa ito naging aktibo sa blogosperyo.
ABRIL 2008 nang nakarating ako sa Sydney Opera House, ito’y nangyari isang araw bago ako nagsimulang magtrabaho rito sa napakaalikabok manukan. Habang ako’y kasalukuyang nag-a-adjust sa aking bagong trabaho at mga kasamahan nababalitaan ko sa ABS-CBN Bandila tuwing umaga ang mabilis na pagtaas ng presyo ng bigas sa Pilipinas at ang mga mahahabang pila ng mga mamimili sa mga palengke para lamang makabili ng NFA rice.
MAYO 2008 nang nalungkot ang mga sakop ng Anakpawis dahil sa di-napapanahong pagpanaw ni Rep. Crispin Beltran. Sa buwan ding ito nagsimula ang mainit na usapin sa pagitan ng GSIS at Meralco hanggang sa nakarating sa balasahan sa Court of Appeals kung kaya naging sikat ang magkapatid na Sabio, pati na rin sina Justices Vicente Roxas at Bienvenido Reyes. Hindi ako nakatutok sa mga balita ng buwang ito dahil naging abala naman ako sa pagbabantay ng manukan habang nagbakasyon ng isang buwan sa Iran ang aming farm manager.
HUNYO 2008 habang ako’y abala sa paghahanda para sa aking South Australian Driver’s Examination, dinukot ng mga nagpakilalang Abu Sayaff ang mamamahayag ng ABS-CBN na si Ces Drilon kasama ang kanyang mga cameramen.
Tuwang-tuwa ako dahil nakuha ko kaagad ang aking SA driver’s licence noong ika-19 ng Hunyo subalit pagkalipas ng dalawang araw naghinagpis naman ang mga pamilya at mga mahal-sa-buhay ng mga naging biktima (773) ng pagkalunod ng M/V Princess of the Stars malapit sa San Fernando, Romblon.
HULYO 2008 nang naitala ang pinakamataas na presyo ng langis ($132.55/bariles) ngayong 2008 kaya lahat ay apektado, maraming na-'high blood', lalo na ako dahil nagkataon ding nagka-problema kami sa contractor ng bahay na pinapatayo sa Pilipinas ng aking tiyahing kasalukuyang nasa Inglatera. Tumaas ng triple ang halaga ng dapat sana’y abot-kayang halaga ng kubong ‘yon... At kung hindi lang dahil sa kapayapaan at pagmamahalang naging mensahe ni Pope Benedict XVI sa World Youth Day 2008 na idinaos sa Sydney, NSW marahil ay kung ano na ang aking nagawa sa contractor ng construction naming ‘yon doon sa Pilipinas.
AGOSTO 2008, hindi na talaga mapigilan ang aking pagtanda dahil sa buwang ito ay opisyal na akong naging 29 na taong gulang! Kaunti lamang ang bumati sa akin ng Happy Birthday, siguro’y dahil may hang-over pa ang lahat sa magarbo at matagumpay na Olympics 2008 na ginanap sa Beijing, China.
Naging apektado rin ako rito sa Australia nang ibinalita ang inililihim na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain sa Mindanao na siyang pinangunahan ng retiradong Heneral Esperon na naging Peace Adviser na ni Pangulong Arroyo ng mga panahong ito.
SETYEMBRE 2008 nang nalason ang humigit-kumulang 53,000 mga bata sa Tsina dahil sa gatas na kontaminado ng melamine, na sinabayan naman ng pagkahilo ng aming buong pamilya dahil sa problemang dala ng pag-ibig! Whew! Hanggang ngayo’y hindi pa ito tuluyang nalutas at hangad kong sa darating na taon ay masosolusyunan na rin ito sa tulong ng Maykapal. Dahil sa mga suliraning ito, tuluyan akong naging manhid sa pandaigdigang balitang nalulugi na ang malaking kumpanyang Lehman Brothers sa Estados Unidos!
OKTUBRE 2008 nang bumalik sa Pilipinas ang sinasabing utak ng DA-Fertilizer Fund Scam na si Joc joc Bolante matapos ang halos dalawa’t kalahating taong hawak siya ng US Immigration and Customs Enforcement. Pero di ko masyadong natutukan ang balitang ito dahil naging abala ako sa aking pagba-blog sapagkat sa buwang ito ko napagpasyahang makisali na rin sa kapana-panabik mundo ng blogging.
NOBYEMBRE 2008 nang nangyari ang isang pinaka-nakakahiyang kaganapan sa aking buhay ngayong taon nang ako’y pumunta sa isang kasalan ng isang kaibigan sa Glenelg, S.A. Samantalang doon sa Estados Unidos, nagsasaya naman si Barack Obama at ang kanyang mga taga-suporta dahil sa kanyang tagumpay sa US Presidential Elections 2008 laban kay John Mc Cain.
DISYEMBRE 2008 binisita ko ang Victoria, Australia dahil hangad kong makita ang lungsod ng Melbourne at ang ipinagmamalaki nitong The Twelve Apostles sa The Great Ocean Road! Natuwa naman ako sa aking mga naging karanasan, mga nakilala at mga nakita! NAGKAROON DIN AKO NG koneksiyon sa The Filipino Channel at naayos ang airconditoning system ng aking caravan (matapos ang tatlong buwang paghihintay ng technician). HINDI AKO NAKAPANOOD NG boxing match nina Pacquiao at dela Hoya dahil ako’y dumalo sa isang Christmas party noong araw na ‘yon.
Manigong Bagong Taon sa ating lahat!