Nagtataka ako kung bakit nitong mga nagdaang araw ay hindi ako nalulungkot o kaya’y nagsasawa at napapagod sa aking trabaho! Biglang nagbago ang lahat, hindi na tulad ng dati, sana ganito nalang palagi! Hindi naman ako naturukan ng morphine para ma-stimulate ang mga mu-opioid receptors sa aking spinal cord at brain, pero bakit nakakaramdam ako ng euphoria ngayon? Pakiramdam ko, masayang-masaya at napakagaan ng pakiramdam ko! Nahawa kaya ako sa pagiging masayahin ng mga Australiano?
Naisip ko na kaya siguro ako masaya dahil napapadalas ang pamamasyal ko ngayon. Sa nakaraang laning-apat na araw, dalawang beses sa isang linggo kami kung pumunta sa Adelaide. Kaya naman pala ang ganitong schedule, kahit pagod pagkatapos ng trabaho, at kahit masakit pa ang shoulder sprain ko (dahil sa pagdating ng mga kiti last week) kapag ang paggala (o di kaya’y pagba-blog) na ang pag-uusapan, nawawala kaagad ang pagod ko, at hindi naman sumasakit itong kaliwang balikat ko!
...sa bagay kahit dito nga lang sa kalapit naming bayan, ang Clare Valley, o di kaya’y ang Barossa Valley, literal talaga akong napapanganga sa lawak ng taniman ng mga ubas at mga olibo! Dito sa Chook-minder’s Quill, naging kilala ang South Australia sa pagpapalaki ng mga manok, ngunit ang totoo ang state na ito ay patuloy na yumayaman sa kanilang mga dumaraming mga minahan ng tanso at napakalawak na taniman ng trigo. Ang S.A. ay kilalang-kilala rin sa buong mundo sa kanilang mga vineyards at wineries! Dito ginagawa ang mga sikat na alak ng Jacob’s Creek.
Ang Port Wakefield, kung saan nakatayo itong malaking manukang aking pinagtatrabahuan ay makikita sa rehiyon ng Yorke Peninsula, kaya nasa baybayin lang kami ng gulpo ng St. Vincent. Kung natatandaan nyo ang napakaingay na mga seagulls sa pelikulang Finding Nemo, napakarami nyan dito.
Kung diving, snorkelling, boating, fishing at crabbing ang hilig mo, inaanyayahan kita rito sa Yorke Peninsula, summer na rito simula Disyembre hanggang Pebrero, tamang-tama! Hindi lang manok ang ipapakita ko sa iyo, kundi iba’t-ibang uri ng Australian at non-Australian migratory birds, ang asul na alapaap, ang bughaw na dagat at ang kaniyang mga nakatagong likas na kayamanan sa kailaliman nito, pati ang mayayabong na mangrove forests, at ang di-maabot tanaw na taniman ng mga trigo at ubas!
Balik tayo sa mga ubasan at mga alak... Nakakalasing yata ang manirahan malapit sa mga ubasan at gawaan ng mga alak, ako siguro’y nalasing kaya ako masaya ngayon! O nai-inspire lang ako sa mga natatanaw kong mga puno ng ubas na tumigas na at ang mga baging na mahigpit na nakapulupot sa kanilang mga gapangan.
Tulad ng mga punla ng ubas na unang dinala at itinanim ng mga paring Heswita rito sa South Australia noong taong 1851, sana’y maipagpatuloy ko ring mabuhay at yumabong sa napakataba at napakalawak na lupain ng Australia! Sana'y masimulan ko na rin ang pumulupot sa mga gapangang nakalaan para sa mga dayuhang manggagawa sa bansang ito tulad nitong mga ubas, nang sa gayo’y magkaroon na rin ako ng makatas na mga bungang pwedeng pigain at gawing alak—ang pinaka-espesyal at pinakamasarap ‘alak’ na makapagpapasaya sa lahat, at pwedeng ipagmalaki ng lahing Pilipino!