Nasa harapan ko na ang lahat... Pwede ko nang angkinin at tikman ang lahat ng gusto ko. Pero hindi ako natuwa.
Naalala ko kapag nagkakatay ang tatay ng manok noong araw, hindi na kami nag-aagawan ng mga bahagi nito kapag nailuto nang tinola. Kabisado na namin ang hatian; alam na ng bawat isa ang nauukol para sa kanya... Kay tatay napupunta ang balunbalunan, kay nanay naman ang nasa bandang puwetan, hati kami ng kapatid kong sumunod sa akin sa dalawang hita't binti, at kay bunso naman ang atay. Masaya naming pinagsasaluhan ang simpleng hapunang ito lalo na't sinasabayan pa ng kwentuhan tungkol sa mga nangyari sa bawat isa sa amin sa maghapon.
Sa totoo lang, hindi ko talaga alam noon kung ano ang lasa ng balunbalunan! Naisip ko, kapag maging tatay na ako, matitikman ko na rin yan.
Minsan, sinabi ko sa nanay na kung maaari'y hati kami sa puwet. Pero ang wika niya, "Hindi ito pwede sa mga wala pang asawang tulad mo. Sige ka, gusto mo bang hindi ka makapag-asawa? Aatrasan ka ng mga babae niyan kapag kakain ka nitong nasa bandang hulihan ng manok..." Palibhasa'y takot din akong hindi makapag-asawa kaya hindi ko na inulit pa ang kahilingang 'yon.
[Alam kong masama, pero] ...naiinggit din ako kay bunso. Nu'ng hindi pa kasi siya ipinapanganak o kumakain, sa akin napupunta ang atay. Pero dahil mabait akong kuya, ayos lang.
Buti nalang, dalawa ang hita at binti ng manok. Hindi kami nag-aagawan ni utol.
Kadalasa'y naiiwan talaga ang buong pitso at ang magkapares na mga pakpak. Itinatabi ito ng tatay para babaunin namin papuntang eskwelahan kinabukasan.
KAHIT PAGOD SAPAGKAT tatlong magkakasunod na araw nang maraming gawain sa loob ng manukan , pinilit ko pa ring magkatay ng isang manok kanina. At dahil hindi naman nababagay sa uri ng manok na 'tong gawing tinola, iniluto ko itong adobo para sa aking hapunan. Wala pang isang oras, isang napakasarap na hapunan na ang nasa aking harapan!
Kumpleto ang mga bahagi ng manok na nasa palayok kanina. May atay, may balunbalunan, may puwet... nadu'n ang paborito kong hita't binti, kasama pati pitso, mga pakpak, at dalawang 'adidas'. Naalala ko tuloy ang aming mag-anak...
Nasa harapan ko na ang lahat kanina. Pwede ko nang angkinin at tikman ang lahat ng gusto ko. Pero hindi ako natuwa. Kumpleto... ngunit may kulang!
----------
Sa lahat ng mga kaibigang sumuporta sa aking akdang The Keynote- na kalahok sa 2009 Pinoy Expats/OFW Blog Awards, maraming, maraming salamat po.
.