http://www.daemonsmovies.com/
Sa mga hindi pa nakapanood ng pelikulang
Avatar, panoorin niyo na. (Biglang naging
amateur ang dating ng
Jurassic Park nang dahil sa bagong-likhang ito ni James Cameron.)
Ito ang dahilan ng aking pagkatulala sa nakalipas na apat na araw; iniisip at winawari ko kasi kung ano ang hitsura ng aking magiging
avatar sakaling ako ay magkakaroon ng pagkakataong makadalaw sa mundo ng mga
Na'vi- ang
Pandora!
Ang Pandora ay kathang-isip lamang; ito'y isang daigdig na kasinlaki ng ating mundo kung saan nakatira ang mga matatangkad na nilalang na kulay-bughaw ang balat at mayroong isang-dipang buntot- sila ay ang mga Na'vi.
Nag-uumapaw sa likas na yaman ang Pandora. Sa malagong kagubatan ay mayroong napakaraming mga makukulay na halaman, iba't-ibang uri ng mga lumilipad, lumalangoy at pagala-galang mga hayop.
Isa sa mga pinakamagagandang tanawin at pinakakakaibang anyong-lupa sa Pandora ay ang mga bundok na nakalutang sa kalawakan, at higit sa lahat, sa tinutubuan ng isang higanteng punong Kelutrel ay matatagpuan ang isang mineral na kung tawagi'y unobtanium. Napaka-espesyal ang mineral na ito sapagkat ang isang dakot ay nagkakahalaga ng US$20,000,000!
Nang dahil sa unobtainium, nagkainteres sa Pandora ang mga tao mula sa ating mundo. Nais nilang sakupin at angkinin ang lahat ng kayamanan sa daigdig ng mga Na'vi subalit hindi ito madali sapagkat salat sa oxygen ang Pandora at ang natural na komposisyon ng hangin doon ay ang carbon dioxide, methane at ammonia.
Sa tulong mga mananaliksik, natuklasang sa pamamagitan ng mga avatars na may magkahalong genetic composition ng isang tao at isang Na'vi, ay posibleng maikot at mapag-aralan ng lubusan ang Pandora. Ang mga avatars na ito ay maaari lamang kontrolin ng mga taong pinagkunan ng DNA sample sa pamamagitan ng kanilang sariling utak habang sila'y tulog sa loob ng isang makabagong kasangkapan.
Sa panahon ng bahagyang kalungkutan at pangungulila sapagkat sigurado nang hindi ko na naman maipagdiwang ang Pasko kasama ang aking mga minamahal, iniisip kong sana'y isang umaga ako'y magising doon sa
Pandora bilang isang
avatar! Natitiyak kong sa ganda at kulay ng kapaligiran doon, makakalimutan ko kahit papaano itong aking mga dinaramdam. ...lalo na siguro kung magkikita kami ng kanilang prinsesang si
Neytiri.
Napakaraming uri ng mga hayop doon sa
Pandora, at nais kong mag-trabaho bilang isang beterinaryo roon. Hangad kong tuklasin ang mga lihim kung bakit malulusog at malalakas ang higanteng ibong
Toruk at ang mala-kabayong
Pa'li! Nais kong mapag-aralan ang mga bahagi ng katawan at ang kahalagahan nito sa buhay ng isang ibong
Ikran at ng mala-lobong
Nantang.
Kayo marahil ay nag-iisip kung kaya kong magtatagumpay sa aking pakay doon sa
Pandora... kung maihahayag ko ng maayos sa mga katutubong
Na'vi ang aking sadya sa kanilang daigdig. Siguradong kayang-kaya, bilang isang
avatar! Isang
avatar na kawangis ng mga katutubo roon, na kumikilos, nag-iisip, at may pandamdam na katulad ng mga
Na'vi.
Maganda ang pelikula, panalo ang kwento at
super-galing ang
animation at
visual effects!
Subalit may tatalo pa ba sa isang '
avatar' na isinilang sa mundo at namuhay bilang isang tao humigit-kumulang 2,009 taon na ang nakalilipas? Ang '
Avatar' na walang kapantay... nagturo, at nag-alay ng kanyang buhay bilang isang sakripisyo upang mailigtas mula sa kasalanan ang sangkatauhan at tuluyang mabuhay ng walang-hanggan doon sa kalangitan!
Halina't batiin natin Siya- ang tunay at nag-iisang
avatar! Maligayang kaarawan, Panginoong Hesus!
Ang mga impormasyon sa lathalaing ito ay nagmula sa Wikipedia at sa opisyal na pahina ng pelikulang Avatar..