Saturday, February 13, 2010

Ang Medisina ng Pag-ibig

Ang 'pag-ibig' ay isang talamak (chronic) at napaka-kumplikadong karamdaman ng buong katawang (systemic) tumatama sa lahat ng tao sa buong mundo (pandemic). Ang sakit na ito'y mas nauna pang natuklasan kaysa sa ketong, black plague at pagkabulok ng ngipin, ngunit ang sanhi at mga paliwanag tungkol sa sakit na pag-ibig ay pilit pa ring tinutuklas ng mga dalubhasa hanggang ngayon. Kaya sa kasalukuyan, mas angkop pa rin itong tawaging isang syndrome.

May mga teyoryang ang pag-ibig ay tumatama rin sa mga hayop pero hanggang ngayon ito'y hindi pa rin lubusang naunawaan o maipaliwanag.


SANHI (ETIOLOGY)
Tulad ng nabanggit na sa itaas, hinding-hindi pa rin natuklasan ang tunay na sanhi ng sakit na ito. Datapwat kapansin-pansing kapag ito'y tumama, sa isang kaso'y palaging dalawang tao ang tinatamaan, maaaring maging mas kumplikado kapag tatlo, at 'di malayong mangyaring apat ang apektado!

Sinasabing ang 'pag-ibig' ay may direktang kaugnayan sa puso, utak o sa mga bahaging pangkasarian subalit kahit na ang mga ito'y idinaan na sa mga mabusising pagsusuri walang nakuha o nakitang mikrobyo sa mga bahagi ng katawang ito na maaaring sabihing siyang pinakadahilan ng- at maiuugnay sa karamdamang 'pag-ibig'.

May mga pag-aaral nga lang na nagsasabing tumataas ang antas ng dopamine sa dugo ng tao kapag siya'y may sakit na 'pag-ibig'. Ang kemikal na ito ang siyang nagbibigay ng lubos na kasiyahang-loob at pagpupursige sa mga taong apektado ng pag-ibig.


KWENTO KUNG PAANO NAGKAKASAKIT (PATHOGENESIS)
Nagsisimula ang karamdamang ito kapag ang isang tao, babae man o lalake ay natamaan ng isang 'kathang-isip na palaso' sa dibdib na nagiging sanhi ng malalim na sugat; at kapag natusok na nito ang puso, ang mga bahagi ng utak ay agarang maglalabas mga kemikal na pheromones, dopamine, norepinephrine, oxytocin at serotonin na may epektong tulad ng sa mga amphetamines. Kaya ang taong natamaan ng matulis at matalim na pana ni Kupido ay makakaramdam ng kakaibang kaligayahan at aliw- ang masama pa, ito'y nakaka-adik!


CLINICAL FINDINGS
Ang mga nabanggit na kemikal ay may mga side effects tulad ng mabilis na pagtibok ng puso (tachycardia), kawalan ng ganang kumain (anorexia) at nahihirapang makatulog (insomnia), at 'di maipapaliwanag na sigla ng buong katawan.

Nang dahil sa tachycardia na madalas nararamdaman kapag nakikita ang taong iniibig, nagiging mas kakaunti ang dumadaloy na dugo sa buong katawan pati na rin sa puso, kaya maaaring magkaroon ng pananakit ng dibdib, panandaliang pamumutla at panlalamig ng mga palad pati ng mga talampakan. Pagkatapos nito ay bigla namang magkakaroon ng pamumula ng pisngi (blushing o hyperemia).


LESIONS
Kahit na ang matulis at matalim na 'palaso' ang siyang naging simula ng karamdamang ito, walang makikitang anumang lesion (mga sirang tissues o bahagi ng katawang nakikita nang dahil sa karamdaman o sakit), walang sugat o impeksiyon sa katawan...

Subalit kapansin-pansing kapag nawawala na ang 'pag-ibig' sa puso o utak ng dalawang taong apektado, maaaring magkakaroon ng 'di-mapigilang pagmumuta dahil sa matinding pagluha (lacrimation) ng mga mata; at kadalasan sa mga kasong ito makakakita ng mga sugat at mga pasa sa katawan ng mga biktima lalung-lalo na sa kanilang mukha.

Sa mga taong naging apektado ng 'pag-ibig' hanggang sa mga bahaging pangkasarian, nagkakaroon ng mga maliliit na pasa sa leeg o kahit saang bahagi ng katawan, at maaaring magkaroon ng pilas o wahi at kaunting pagdurugo lalung-lao na sa ari ng mga kababaihan.


TRANSMISSION
Hindi masyadong nauunawaan kung paano naisasalin ang 'pag-ibig' mula sa isang taong apektado papunta sa mga hindi pa apektado ngunit ang matamis na mga salita, natatanging kalinga, pagreregalo (ng mga rosas at tsokolate), at paghahawak-kamay ay ang ilan sa mga posibleng paraan ng pagkakahawa ng nasabing 'sakit'.

Pinagdududahang ang pagkikipaghalikan ay isa rin sa mga mode of transmissions ng 'pag-ibig', subalit ito nama'y madalas na nangyayari kapag nagkahawaan na kaya iniisip ng mga dalubhasa na ang pakikipaghalikan ay makapagpapalala ng karamdamang ito.


EPIDEMIOLOGY
Hindi man lubusang naipaliwanag ang pagkalat ng sakit na 'to, ang 'pag-ibig' ay laganap na sa buong mundo (pandemic) bago pa man nagsimula ang kasaysayan. Subalit sa kasalukyan, walang ganitong uri ng karamdaman sa mga bansang Iraq at Afghanistan, pati sa mga bahagi ng West Bank hanggang Gaza Strip sa Israel, at sa Pakistan.

Napag-alamang habang papatapos ang panahon ng taglamig sa mga bansang nasa hilagang bahagi ng daigdig at sa huling buwan ng tag-init sa katimugan- o tuwing Pebrero, tumataas ang kaso ng karamdamang ito.

Nakikitang ang mga taong nagkakaedad mula sampu o labindalawang taong gulang (puberty) hanggang sa mga matatanda ay mataas ang tsansang magkakaroon ng 'pag-ibig'. Ito'y pangkalahatan kung tumama sa mga nilikha, marami ang nagkakasakit (very high morbidity) ngunit kakaunti lamang ang namamatay (very low mortality).


DIAGNOSIS
Binabase ito sa mga nakikitang palatandaan at sintomang nabanggit na sa itaas. Hindi u-obra ang biopsy o autopsy; mas lalong walang magagawa ang complete blood count sa pag-alam kung apektdo ang isang nilalang ng sakit na ito (pag-ibig).

Maaaring gumamit ng ECG, ngunit walang halaga ang x-ray. Sa kasalukuyan, ginagamit ang MRI o magnetic resonance imaging upang pag-aralan ang mga bahagi ng utak na apektado kapag ang tao'y nakakaramdam ng pag-ibig.


TREATMENT, PREVENTION AND CONTROL
Napakahirap kontrolin ng pag-ibig!

Ang pagsasabon at paghuhugas ng kamay o di kaya'y pagmumumog ng mouth wash bago mag-holding hands o maghalikan ay siguradong walang bisa kung nais ay iwasan ang pagkalat ng 'pag-ibig'.

Maaaring uminom ng gamot na pampatulog at kumain kasabay ang taong iniibig upang maganahang kumain.

Hindi na kailangang gumamit ng Benzodiazepine/calcium channel blocker na Diltiazem, o di kaya'y Atenolol o anumang uri ng beta-blocking agents kung nais na maibalik sa normal ang mabilis na pagtibok ng puso (tachycardia) sapagkat ito'y kusa at paunti-unti namang mawawala...

Talagang kamangha-mangha, ngunit totoo- ang pinakamabisang panlunas sa 'pag-ibig' ay pag-ibig din mismo.








If you like this article, try to read this: Monetary Pharmacology
-----
Sources:

Wikipedia
Personal Experience

.

16 comments:

BlogusVox said...

Hinde makikita ang sa pisikal na anyo ang sakit na ito dahil ito'y psychological o emotional na karamdaman.

Ngunit ito lang ang sakit na gustong mahawa ng kahit sino man.

"It's better to love and lost than never loved at all"

animus said...

nice analogy of love...ang dami kong natutunang medical terms!
:-)

dapat ba tayong mag-ingat baka dapuan tayong ng sakit na ito? para kasing nakakatakot at nakakahawa pa pala ito. baka naman meron nang na-discover na vaccine para dito...hehe..:-)

mightydacz said...

nice post dockie...happy valentines day..

Chyng said...

Many have trie to explain, pero hirap talaga ipaliwanag ang bagay na abstract. Truly God's greatest gift is LoVE. ♥

bertN said...

Ang galing ng writeup mo tungkol sa pag-ibig, kaya lang sumakit ang ulo ko sa pag-intindi dahil masyadong malalim para sa akin ang tagalog mo LOL.

Francesca said...

alam ko, love covers a multitude of sins.
On top, love endures all things.

Pag may pagibig, meron na ring katahimikan, kasi peace is link with it.

I think.

Wla lang,wala kasi bumibisita sa blog ko eh, hahahaha.

Good day!!!

Kosa said...

ANg galing ng pagkakalahad!

Thesis ba to?

hehe.. Hindi ko rin alam kung anu ang sasabihin ko dahil nasabi na nila lahat.

Apiiiir tayo sa sinabi mo Doc na wala pang natutukoy na sanhi ang syndrome na ito.

dahil sabi nga nila, ang tunay na pag-ibig ay hindi kayang ipaliwanag nino man!

Happy Puso day!

RJ said...

BLOGUSVOX
Sa unang talata ng inyong puna, naTUMBOK niyo po talaga ang hinahanap kong remarks. U
Luckily, unang comment kayo ulit.



ANIMUS
Kahit anong ingat, siguradong matatamaaan din tayo nito, ang mahalaga lang, tulad nga ng madalas sabihin, dapat pagdating sa pag-ibig alalahaning ang utak ay nasa itaas ng puso. o",)

Bakuna? Ang 'pag-ibig' ang siya ring bakuna laban sa pag-ibig.



MIGHTYDACZ
Thank you, Dacz! (,"o



CHYNG
Oo nga.

Happy Valentine's Day, Chyng!

RJ said...

BERTN
Actually, di ko po alam kung masasakyan ng karamihan itong post ko, I know very technical po kasi.

Malalim po ba ang mga salita?!



FRANCESCA
Honestly, napakaganda ng mga sinabi niyo, Ms. Frankie! Galing!

Kumusta ang Valentine's Day sa France?



KOSA
Blog post lang, hindi ito thesis, bro. U
Talagang magaling, ha. Talagang binasa mo, ha... o",)

Last February 2009 pa ito naka-save sa drafts ko, inayos ko lang kahapon.

Kumusta ang Valentine's Day sa Vancouver?

The Nomadic Pinoy said...

Nakakatuwang basahin itong pathophysiology mo ng pag-ibig. Mukahang mas maraming 'magkakasakit' nito ngayong Valentine's Day!

Admin said...

Natuwa naman ako doon...

Anyways.... Happy Valentine's Day!

Ken said...

I was here yesterday, I posted a comment, and thought it was okay, pero nagkapage-error.


Anyway, what I was saying kahapon was, Love na seguro ang pinakamalalang sakit sa buong mundo kung ganun Doc RJ, kasi lahat ng tao, apektado and wala pang lunas hanggang ngayon.

RJ said...

THE NOMADIC PINOY
I am happy natuwa ka rito.
Sigurado, maraming magkakaroon nito ngayong araw.



MANGYAN ADVENTURER
Puyat pa rin ba sa gimmick, Richard? O ayos na? U

Happy Valentine's Day din sa iyo!



MR. THOUGHTSKOTO
Wala akong natagpuang comment niyo sa 'for approval'...

Hahah, sa tingin ko nga, pinakamalalang karamdaman itong 'love'!

SLY said...

sana doc maging pandemic ito para ang taong maiitim ang budhi ay mkakaramdam ng konsensiya at pagmamahal :)

hapi puso!

The Pope said...

Kung ang pag-ibig ay isang uri sakit na nakakahawa, nanaisin kong kapitan ako ng sakit na ito at manatili ito sa aking katawan, puso't damdamin panghabambuhay.

Happy Puso Day to you and your family.

RJ said...

SLY
Nakalimutan ko 'yan, Sly. Tama ka, dapat pala ang sa mga bansang Afghanistan, Iraq ay hindi kasama sa mga nagkakaroon ng 'love'. Try kong baguhin ng kaunti itong post.



THE POPE
Nagulat ako sa inyong sinabi, tama kasi talaga, kahit ako'y ganu'n din- gugustuhin kong magkaroon nito habambuhay.

Pero sa tingin ko po, meron na kayo nito ('pag-ibig).