Kapag masaya ako, at wala akong pinuproblema, natatakot ako. Batid ko kasi ang katotohanang habang ako'y nabubuhay, siguradong may haharapin akong mga hamon. Kaya kung wala man akong pinapasan sa ngayon, posibleng mamaya, bukas o sa susunod na araw ay may darating na panibagong suliranin...
Ako'y napaka-unfair dito sa aking blog, kasi madalas ang update kapag ako'y may masamang dinaramdam o nalulungkot; pero kapag ako'y masaya, walang naidadagdag na mga bagong pahina. Pero heto, pilit kong pinipiga ang aking utak, nang may maisusulat dito sa ngayon habang ako'y masaya.
Seventeen days ago, inilabas ko bilang 'status' sa aking Facebook account, na para akong naturukan ng morphine, nawala ang lahat ang mga nararamdaman kong hapdi at sakit noon, at para akong nakalutang sa alapaap! 'Yan ang hatid ng Australian Permanent Residency visa na ipinagkaloob sa akin ng DIAC noong May 3, 2010. Alam kong para sa iba, ang bagay na ito ay walang halaga. This is nothing. Pero para sa aking mahigit tatlong taon ding hindi nakaramdam ng saya sa nakuhang trabaho rito sa ibang bayan (sapagkat napaka-stagnant ng aking naging kalagayan sa mahabang panahong 'yon), ang aking PR ay sapat na, o sa tingin ko nga'y humihigit pa sa kinailangan kong gamot para malunasan ang noo'y malubha kong karamdaman.
Naalala ko tuloy ang aking linya (bilang si Padre Guerrero) sa isang play noong ako'y nasa kolehiyo pa... Ang tanong ni father kay Badong (na nangangarap maging isang ganap na sakristan), "...at itinuro rin ba sa 'yo ni Father O'Connor ang kahalagahan ng tiyaga at ang kabanalan ng paghihintay?"
Lubos at taus-puso ang aking pasasalamat sa lahat ng aking mga naging kaibigan dito sa blogosphere... nang dahil sa inyong mga payo, nakayanan kong maging matatag noong mga panahong muntik na akong sumuko.
Sa ngayon, nakapagpahinga na rin siguro ang pagod na tenga ng Diyos nang dahil sa aking paulit-ulit na mga dasal noon. Magtatatlong linggo na rin Siyang hindi nakarinig ng mga personal na kahilingan mula sa akin, sapagkat sa nakalipas na mga araw ay puro pasasalamat ang aking nasasambit sa aking mga panalangin.
Sa ngayon, hindi pa rin alam ng aming mga alagang manok na iniwan na sila ng kanilang dating farm manager. 'Di ako sigurado, pero sa tingin ko ay hindi nila naramdamang ako na ang bumabalikat sa kanila. Natutuwa akong ang aming lumang farm vehicle ay pinalitan na rin sa wakas ng isang desenteng sasakyan. Nagpapasalamat din akong ang isang tauhan ditong noo'y hindi nakikiisa sa pangkat, ngayo'y nangunguna sa pakikiisa lalung-lalo na sa mga maintenance and repair works ng manukan. Kung saan ako mahina, may taong nakisama at nagkataong napakahusay naman sa aspetong ito.
Wala na akong inaalalang napakamahal na bayarin para sa private health insurance, sapagkat tinutulungan na ako ng Medicare Australia. Wala na rin akong dapat alalahaning ma-i-expire na working visa.
Nagkaroon ako ng kapalagayang loob, nagkaroong muli ng focus. Hindi ko na iniisip sa ngayon ang napakakapal na alikabok at mga nakalutang na hibla ng balahibo sa loob ng chicken sheds. Wala na akong paki-alam kung umabot man ng-50'C o 'di kaya'y mag-minus 9'C sa labas. Ayos lang sa akin ang maging on call beynte quatro oras, pumasok sa loob ng manukan ng alas-diyes ng gabi o 'di kaya'y alas dos ng madaling araw, basta ang mahalaga, maging maayos ang lahat dito sa aking trabaho. Nakakapagtaka, kahit na araw-araw akong pumapasok, pakiramdam ko araw-araw rin akong naka-day off. Hinahangad at ipinagdarasal ko talagang sana ay ganito nalang palagi ang aking pakiramdam.
Sa ngayon, nilalasap ko na muna ang mala-morphine side-effect na naging bunga ng mga pagbabago sa aking buhay kamakailan lamang. Maaaring bukas ay darating na aking kinatatakutang mga problema, pero sa tingin ko, sa dami ng mga hirap, pagod at hapding nalagpasan ko noon, anumang uri ng hamong darating sa akin bukas ay siguradong aking kakayanin. 'Ika nga ni Doc Ed, na boss ko sa Monterey noon, "Anything that isn't fatal will surely make you stronger."
.
Friday, May 21, 2010
Wednesday, May 12, 2010
Si Hilda at ang Makru
Noong nakaraang linggo, inanyayahan ako nina Aling Nati at Aling Siony para maghapunan kasama nila. Habang kami'y masayang nagsasalu-salo, biglang tumunog ang telepono ni Aling Nati.
Tumawag si Hilda, ang isa nilang kaibigang nakatira sa Edithburgh kasama ang kanyang asawang puti- si Jim. Dito sa Australia ipinanganak at tumanda si Jim, 74 years old na siya ngayon.
Nangumusta lang naman si Hilda. Malamang gusto lang na may makausap na mga Filipino, siguro'y nalulungkot sapagkat dalawang taon pa lamang ang nakalipas magmula nang siya'y dumating dito sa Australia. Nalaman niyang ang kanyang kausap sa kabilang linya- si Aling Nati ay noo'y kasalukuyang naghahapunan kasama kami ni Aling Siony, kaya itinanong ni Hilda kung ano ang aming ulam.
Hindi naman nagsinungaling si Aling Nati, sinabi niya kung anu-ano ang aming pinagsasaluhan.
Biglang ipinagmayabang ni Hilda (naririnig namin ni Aling Siony kasi naka-loudspeaker ang mobile phone) na nakahuli rin daw sila ni Jim ng isang malaking isda sa Gulf St. Vincent, palibhasa fishing ang pastime ni nilang mag-asawa. 'Yon pa nga raw ang inihahanda ni Jim para sa kanilang hapunan.
Itinanong ni Aling Nati kay Hilda kung anong isda ang kanilang nahuli.
"Hindi ko kilala, ewan ko ba kung meron nito sa atin..." ang sagot ni Hilda.
"Anong itsura, at anong kulay, may kaliskis ba?" mabilis namang pag-usisa ni Aling Nati.
Maririnig sa kabilang linya na tinanong ni Hilda ang kanyang asawa kung ano ang tawag sa malaking isda na kanilang nahuli. Sumagot naman si Jim sa kanya.
Kinausap ulit ni Hilda si Aling Nati na naghihintay naman sa telepono. "Ah, kuwan pala, MAKRU. Makru daw ito sabi ni Jim."
"Hah?! Makru?!" halatang nabigla si Aling Nat.
"Oo, yan ang sabi ng asawa ko. Basta malaking isda ito, Nat- makru."
Kahit ako ay napaisip kung anong isda ang tinutukoy ni Hilda... Huminto ako sa pagkain at inisip kung ano kaya ang hitsura ng isdang makru.
Ngunit biglang sumali sa usapan si Aling Siony... "Makru?! Hindi, Nat! Mackerel. Mackerel siguro 'yan."
Biglang natauhan si Aling Nati matapos marinig ang salitang 'mackerel'. Kaya bigla niyang isinigaw sa telepono, kay Hilda sa kabilang linya, "Hilda, mackerel 'yan, hindi makru! Hahahah!"
"Ah, ganu'n ba?! Mackerel pala ito..." ang marahang sagot ni Hilda.
Monday, May 3, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)