Tuesday, June 29, 2010

My Favourite Teacher

Pagod na raw siya. Hindi na raw niya kayang gumising ng maaga, maghanda ng almusal at babaunin, gumayak at pumasok sa pampubliko at mababang paaralang naging bahagi na ng kanyang buhay sa loob ng tatlumpu't-walong taon. Kaya sa gitna ng pagpipigil, at paghihikayat ng kanilang school principal na kaya, at pwede pa siyang magturo ng mga dalawang taon pa, hindi na magbabago ang desisyon ng aking ina- siya'y magreretiro na.

Ang aking ina noong siya'y nagtapos, 1971.

Katatapos lang ng halos apat na 'pung minuto naming pag-uusap ng nanay. Ikinuwento niyang noong Biyernes ay huling araw na raw ng kanyang pagtuturo, naka-leave na siya ngayon, at matapos ang araw ng panunumpa ng bagong naihalal na bagong pangulo ng bansang Pilipinas, opisyal na ring matatapos ang kanyang pananagutan bilang isang guro. Sa tono ng kanyang mga salita, masaya naman ang aking ina, halatang excited sa panibagong kabanata ng buhay at mga gawaing kanyang haharapin sa mga susunod na araw.

Pero ako, tulad ng kanilang principal, ayaw ko pa rin sanang iwan ng nanay ang kanyang trabaho (pero siyempre hindi ko na ito binaggit pa sa kanya kanina). Sixty-three years young pa lang naman kasi ang aking ina, at pakiramdam ko kaya pa nya, pwede pa s'yang magturo. Isa sa mga iniisip ko kasi kung ano ang kanyang gagawin sa aming tahanan at ang kanyang magiging libangan after her retirement? (Wala pa naman akong anak, kaya hindi ko siya maha-hire bilang baby-sitter dito.) Mabuti naman akong anak sa kanya, napakabuti... pero sa ngayon parang nararamdaman kong hindi ko kinu-consider ang kanyang nararamdaman, at ang kanyang mga dinaramdam na karamdaman sa kanyang katawan. Kaunting galaw lang daw niya kasi ngayon, pagod na siya kaagad.

Mahaba-haba rin ang pagsasakripisyo ng aking ina para sa aming tatlong magkakapatid. Ramdam ko noon ang pagtitiis nila ng aking namayapang ama, kung paano nila hinigpitan ang masikip na nilang sinturon para makapaglapag ng desenteng makakain sa aming hapag, upang makabili ng aming mga damit at sapatos, at mapag-aral kami sa isang paaralan at kursong abot-kaya.

Sabi ng nanay, simula July 1, wala na raw siyang sweldo. Sabi ko naman kapag mauubusan siya ng panggastos, mag-text lang siya sa akin...

Sabi ng nanay, umiyak daw ang limang taon kong pamangkin nu'ng sinabi niyang hindi na niya ito masasamahan sa pagpasok sa school araw-araw. (Akala siguro ng bata, sa buong taon ay magkasabay pa sila ng kanyang lolang maghanda tuwing umaga at pumasok araw-araw.) Sagot ko naman, kailangan lang sigurong ipaliwanag ng husto kay Paul ang kalagayang ito, nang maunawaan niya ang mga nangyayari. Pero iniisip ko kung paano mainindihan ng isang paslit ang ganitong sitwasyon.

Sabi sa akin ng nanay, kung buhay lang daw ang aking ama, siguro'y magiging madali ang pagsagawa ng kanilang mga pinaplano noon pagkatapos niyang magretiro. Sagot ko naman, nagbago na ang lahat dahil wala na nga siya; tuloy ang buhay at kung kailangang magbago ng mga plano para maging angkop sa kasalukuyang sitwasyon, gawin ito.

Si Nanay Sima at ang kanyang kakambal, si Uncle Simo.
Marami pang sinabi ang nanay, pero hindi ko na halos nakuha sapagkat ang nasa isip ko ay kung ano ang mga posibleng mangyari sa hinaharap... 'di ko alam, pero parang ako ang mas emotional- ang mas nalulungkot na tuluyan na rin niyang lisanin ang kanyang nakagawiang gawin sa halos apat na dekada niyang panunungkulan.

Achievements niya? Hanggang Master Teacher lang, hindi naman siya naging head teacher o principal, o di kaya'y nabiyayang maging district supervisor o division superentindent. Pero pakiramdam ko, ipinagmamalaki niya sa aking ganap ang kanyang naging karera. Ayos na sa kanyang nananalo sila noon paminsan-minsan sa speech choir at reader's theatre, daMATH, comics strip, poster-making contest, atbp.; at manalo ang kayang kupunan noon nang siya'y ilang taong naging coach ng soccer kapag may mga district, division o regional meet.

Naging teacher ko ang nanay noong ako'y grade VI. English, Math at Music ang mga subjects na hawak niya. Kung ano ang tawag ko sa kanya sa loob ng classroom- 'Ma'am' o 'Nanay'? Hulaan niyo nalang. Alam kong may iniisip kayo, pero hindi ako naging valedictorian noon, salutatorian lang po.

Napaka-selfish ko talaga ngayon. Ayaw kong magri-retire na ang aking ina sapagkat nakikita kong sa gitna ng mga hirap at hamong hinaharap ng isang pampublikong guro sa Pilipinas, nakita kong nag-enjoy, at nakikita kong nag-i-enjoy siya sa pagtuturo. At hindi ko alam, hindi ako sigurado kung simula July 1, ay magiging masaya at makulay pa rin ang kanyang buhay araw-araw.

Sabi ng nanay kapag nagri-retire daw ang isang teacher, nakagawiang may gaganaping testimonial program. Tanong ko naman sa kanya, "Kailan naman po ba ang testimonial program para sa 'yo?"

Sagot ng nanay, "Baka sa darating na August or September... Makakarating ka kaya?"

"Siyempre... makakaasa po kayo, uuwi at dadalo ako niyan."

Sa puntong 'yon, kahit na nasa kabilang linya siya, nakita kong ngumiti ang nanay.







(Wala akong latest picture kasama ang nanay pero meron akong nai-post dito noong nakaraang taon.)
.

Sunday, June 6, 2010

Discover, and learn...


Not only humans have the capacity to learn. Animals, too. And so do machines. This June, we chose 'learning' as our theme to celebrate the opening of classes in the Philippines. Being the month of weddings, we also featured a couple of articles about love and marriage. And what can be fitting this month than to honor a fellow blogger who happens to be teacher, too! We are also proud to present to you an article written by a kabayan teacher in Thailand. True, there's so much to learn from this issue.

-the KaBlogs Journal 3rd issue


Explore the pages of the KaBlogs Journal and be part of it! It's not mine, it's not yours. It's ours! Enjoy reading...