Monday, July 12, 2010

Lost in Translation

Ako'y naaliw. Sa wakas tumawa rin ako ngayong araw!

Nang dahil sa Facebook, kinailangan kong buksan at gamitin ang Google Translate para maunawaan ko ang mga updates ng isang kakilalang Pranses na nasa aking friends list. Ayos pala, naunawaan ko ang mga updates ng aking kaibigan kahit na ito'y nakasulat sa French.

Subalit nang sinubukan kong ipasalin kay Tito Google ang isinulat ko sa aking Facebook status noong June 18, 2010, ito ang naging resulta:

ANG ORIHINAL
"Kung alam lang siguro ng mga alaga kong manok na napakaganda ng Tasmania, o ng buong Australia, siguro hindi sila papayag na ikulong doon sa sheds. Tiyak maghahanap sila ng paraang makalaya mula sa kanilang kulungan, at lumipad papunta rito sa Hobart!"

ANG SALIN NI GOOGLE
"If you only knew the owner would probably chicken superb Tasmania, or around Australia, maybe they are not willing to shut up there in sheds. Surely they find a way to be free from their prison, and to fly off to Hobart!"




.

Tuesday, June 29, 2010

My Favourite Teacher

Pagod na raw siya. Hindi na raw niya kayang gumising ng maaga, maghanda ng almusal at babaunin, gumayak at pumasok sa pampubliko at mababang paaralang naging bahagi na ng kanyang buhay sa loob ng tatlumpu't-walong taon. Kaya sa gitna ng pagpipigil, at paghihikayat ng kanilang school principal na kaya, at pwede pa siyang magturo ng mga dalawang taon pa, hindi na magbabago ang desisyon ng aking ina- siya'y magreretiro na.

Ang aking ina noong siya'y nagtapos, 1971.

Katatapos lang ng halos apat na 'pung minuto naming pag-uusap ng nanay. Ikinuwento niyang noong Biyernes ay huling araw na raw ng kanyang pagtuturo, naka-leave na siya ngayon, at matapos ang araw ng panunumpa ng bagong naihalal na bagong pangulo ng bansang Pilipinas, opisyal na ring matatapos ang kanyang pananagutan bilang isang guro. Sa tono ng kanyang mga salita, masaya naman ang aking ina, halatang excited sa panibagong kabanata ng buhay at mga gawaing kanyang haharapin sa mga susunod na araw.

Pero ako, tulad ng kanilang principal, ayaw ko pa rin sanang iwan ng nanay ang kanyang trabaho (pero siyempre hindi ko na ito binaggit pa sa kanya kanina). Sixty-three years young pa lang naman kasi ang aking ina, at pakiramdam ko kaya pa nya, pwede pa s'yang magturo. Isa sa mga iniisip ko kasi kung ano ang kanyang gagawin sa aming tahanan at ang kanyang magiging libangan after her retirement? (Wala pa naman akong anak, kaya hindi ko siya maha-hire bilang baby-sitter dito.) Mabuti naman akong anak sa kanya, napakabuti... pero sa ngayon parang nararamdaman kong hindi ko kinu-consider ang kanyang nararamdaman, at ang kanyang mga dinaramdam na karamdaman sa kanyang katawan. Kaunting galaw lang daw niya kasi ngayon, pagod na siya kaagad.

Mahaba-haba rin ang pagsasakripisyo ng aking ina para sa aming tatlong magkakapatid. Ramdam ko noon ang pagtitiis nila ng aking namayapang ama, kung paano nila hinigpitan ang masikip na nilang sinturon para makapaglapag ng desenteng makakain sa aming hapag, upang makabili ng aming mga damit at sapatos, at mapag-aral kami sa isang paaralan at kursong abot-kaya.

Sabi ng nanay, simula July 1, wala na raw siyang sweldo. Sabi ko naman kapag mauubusan siya ng panggastos, mag-text lang siya sa akin...

Sabi ng nanay, umiyak daw ang limang taon kong pamangkin nu'ng sinabi niyang hindi na niya ito masasamahan sa pagpasok sa school araw-araw. (Akala siguro ng bata, sa buong taon ay magkasabay pa sila ng kanyang lolang maghanda tuwing umaga at pumasok araw-araw.) Sagot ko naman, kailangan lang sigurong ipaliwanag ng husto kay Paul ang kalagayang ito, nang maunawaan niya ang mga nangyayari. Pero iniisip ko kung paano mainindihan ng isang paslit ang ganitong sitwasyon.

Sabi sa akin ng nanay, kung buhay lang daw ang aking ama, siguro'y magiging madali ang pagsagawa ng kanilang mga pinaplano noon pagkatapos niyang magretiro. Sagot ko naman, nagbago na ang lahat dahil wala na nga siya; tuloy ang buhay at kung kailangang magbago ng mga plano para maging angkop sa kasalukuyang sitwasyon, gawin ito.

Si Nanay Sima at ang kanyang kakambal, si Uncle Simo.
Marami pang sinabi ang nanay, pero hindi ko na halos nakuha sapagkat ang nasa isip ko ay kung ano ang mga posibleng mangyari sa hinaharap... 'di ko alam, pero parang ako ang mas emotional- ang mas nalulungkot na tuluyan na rin niyang lisanin ang kanyang nakagawiang gawin sa halos apat na dekada niyang panunungkulan.

Achievements niya? Hanggang Master Teacher lang, hindi naman siya naging head teacher o principal, o di kaya'y nabiyayang maging district supervisor o division superentindent. Pero pakiramdam ko, ipinagmamalaki niya sa aking ganap ang kanyang naging karera. Ayos na sa kanyang nananalo sila noon paminsan-minsan sa speech choir at reader's theatre, daMATH, comics strip, poster-making contest, atbp.; at manalo ang kayang kupunan noon nang siya'y ilang taong naging coach ng soccer kapag may mga district, division o regional meet.

Naging teacher ko ang nanay noong ako'y grade VI. English, Math at Music ang mga subjects na hawak niya. Kung ano ang tawag ko sa kanya sa loob ng classroom- 'Ma'am' o 'Nanay'? Hulaan niyo nalang. Alam kong may iniisip kayo, pero hindi ako naging valedictorian noon, salutatorian lang po.

Napaka-selfish ko talaga ngayon. Ayaw kong magri-retire na ang aking ina sapagkat nakikita kong sa gitna ng mga hirap at hamong hinaharap ng isang pampublikong guro sa Pilipinas, nakita kong nag-enjoy, at nakikita kong nag-i-enjoy siya sa pagtuturo. At hindi ko alam, hindi ako sigurado kung simula July 1, ay magiging masaya at makulay pa rin ang kanyang buhay araw-araw.

Sabi ng nanay kapag nagri-retire daw ang isang teacher, nakagawiang may gaganaping testimonial program. Tanong ko naman sa kanya, "Kailan naman po ba ang testimonial program para sa 'yo?"

Sagot ng nanay, "Baka sa darating na August or September... Makakarating ka kaya?"

"Siyempre... makakaasa po kayo, uuwi at dadalo ako niyan."

Sa puntong 'yon, kahit na nasa kabilang linya siya, nakita kong ngumiti ang nanay.







(Wala akong latest picture kasama ang nanay pero meron akong nai-post dito noong nakaraang taon.)
.

Sunday, June 6, 2010

Discover, and learn...


Not only humans have the capacity to learn. Animals, too. And so do machines. This June, we chose 'learning' as our theme to celebrate the opening of classes in the Philippines. Being the month of weddings, we also featured a couple of articles about love and marriage. And what can be fitting this month than to honor a fellow blogger who happens to be teacher, too! We are also proud to present to you an article written by a kabayan teacher in Thailand. True, there's so much to learn from this issue.

-the KaBlogs Journal 3rd issue


Explore the pages of the KaBlogs Journal and be part of it! It's not mine, it's not yours. It's ours! Enjoy reading...

Friday, May 21, 2010

Ang Bukang Liwayway

Kapag masaya ako, at wala akong pinuproblema, natatakot ako. Batid ko kasi ang katotohanang habang ako'y nabubuhay, siguradong may haharapin akong mga hamon. Kaya kung wala man akong pinapasan sa ngayon, posibleng mamaya, bukas o sa susunod na araw ay may darating na panibagong suliranin...

Ako'y napaka-unfair dito sa aking blog, kasi madalas ang update kapag ako'y may masamang dinaramdam o nalulungkot; pero kapag ako'y masaya, walang naidadagdag na mga bagong pahina. Pero heto, pilit kong pinipiga ang aking utak, nang may maisusulat dito sa ngayon habang ako'y masaya.

Seventeen days ago, inilabas ko bilang 'status' sa aking Facebook account, na para akong naturukan ng morphine, nawala ang lahat ang mga nararamdaman kong hapdi at sakit noon, at para akong nakalutang sa alapaap! 'Yan ang hatid ng Australian Permanent Residency visa na ipinagkaloob sa akin ng DIAC noong May 3, 2010. Alam kong para sa iba, ang bagay na ito ay walang halaga. This is nothing. Pero para sa aking mahigit tatlong taon ding hindi nakaramdam ng saya sa nakuhang trabaho rito sa ibang bayan (sapagkat napaka-stagnant ng aking naging kalagayan sa mahabang panahong 'yon), ang aking PR ay sapat na, o sa tingin ko nga'y humihigit pa sa kinailangan kong gamot para malunasan ang noo'y malubha kong karamdaman.

Naalala ko tuloy ang aking linya (bilang si Padre Guerrero) sa isang play noong ako'y nasa kolehiyo pa... Ang tanong ni father kay Badong (na nangangarap maging isang ganap na sakristan), "...at itinuro rin ba sa 'yo ni Father O'Connor ang kahalagahan ng tiyaga at ang kabanalan ng paghihintay?"

Lubos at taus-puso ang aking pasasalamat sa lahat ng aking mga naging kaibigan dito sa blogosphere... nang dahil sa inyong mga payo, nakayanan kong maging matatag noong mga panahong muntik na akong sumuko.

Sa ngayon, nakapagpahinga na rin siguro ang pagod na tenga ng Diyos nang dahil sa aking paulit-ulit na mga dasal noon. Magtatatlong linggo na rin Siyang hindi nakarinig ng mga personal na kahilingan mula sa akin, sapagkat sa nakalipas na mga araw ay puro pasasalamat ang aking nasasambit sa aking mga panalangin.

Sa ngayon, hindi pa rin alam ng aming mga alagang manok na iniwan na sila ng kanilang dating farm manager. 'Di ako sigurado, pero sa tingin ko ay hindi nila naramdamang ako na ang bumabalikat sa kanila. Natutuwa akong ang aming lumang farm vehicle ay pinalitan na rin sa wakas ng isang desenteng sasakyan. Nagpapasalamat din akong ang isang tauhan ditong noo'y hindi nakikiisa sa pangkat, ngayo'y nangunguna sa pakikiisa lalung-lalo na sa mga maintenance and repair works ng manukan. Kung saan ako mahina, may taong nakisama at nagkataong napakahusay naman sa aspetong ito.

Wala na akong inaalalang napakamahal na bayarin para sa private health insurance, sapagkat tinutulungan na ako ng Medicare Australia. Wala na rin akong dapat alalahaning ma-i-expire na working visa.

Nagkaroon ako ng kapalagayang loob, nagkaroong muli ng focus. Hindi ko na iniisip sa ngayon ang napakakapal na alikabok at mga nakalutang na hibla ng balahibo sa loob ng chicken sheds. Wala na akong paki-alam kung umabot man ng-50'C o 'di kaya'y mag-minus 9'C sa labas. Ayos lang sa akin ang maging on call beynte quatro oras, pumasok sa loob ng manukan ng alas-diyes ng gabi o 'di kaya'y alas dos ng madaling araw, basta ang mahalaga, maging maayos ang lahat dito sa aking trabaho. Nakakapagtaka, kahit na araw-araw akong pumapasok, pakiramdam ko araw-araw rin akong naka-day off. Hinahangad at ipinagdarasal ko talagang sana ay ganito nalang palagi ang aking pakiramdam.

Sa ngayon, nilalasap ko na muna ang mala-morphine side-effect na naging bunga ng mga pagbabago sa aking buhay kamakailan lamang. Maaaring bukas ay darating na aking kinatatakutang mga problema, pero sa tingin ko, sa dami ng mga hirap, pagod at hapding nalagpasan ko noon, anumang uri ng hamong darating sa akin bukas ay siguradong aking kakayanin. 'Ika nga ni Doc Ed, na boss ko sa Monterey noon, "Anything that isn't fatal will surely make you stronger."




.

Wednesday, May 12, 2010

Si Hilda at ang Makru

Hanapin sa mapa ang Port Wakefield, diyan kami nakatira nina Aling Nati at Aling Siony...

Noong nakaraang linggo, inanyayahan ako nina Aling Nati at Aling Siony para maghapunan kasama nila. Habang kami'y masayang nagsasalu-salo, biglang tumunog ang telepono ni Aling Nati.

Tumawag si Hilda, ang isa nilang kaibigang nakatira sa Edithburgh kasama ang kanyang asawang puti- si Jim. Dito sa Australia ipinanganak at tumanda si Jim, 74 years old na siya ngayon.

Nangumusta lang naman si Hilda. Malamang gusto lang na may makausap na mga Filipino, siguro'y nalulungkot sapagkat dalawang taon pa lamang ang nakalipas magmula nang siya'y dumating dito sa Australia. Nalaman niyang ang kanyang kausap sa kabilang linya- si Aling Nati ay noo'y kasalukuyang naghahapunan kasama kami ni Aling Siony, kaya itinanong ni Hilda kung ano ang aming ulam.

Hindi naman nagsinungaling si Aling Nati, sinabi niya kung anu-ano ang aming pinagsasaluhan.

Biglang ipinagmayabang ni Hilda (naririnig namin ni Aling Siony kasi naka-loudspeaker ang mobile phone) na nakahuli rin daw sila ni Jim ng isang malaking isda sa Gulf St. Vincent, palibhasa fishing ang pastime ni nilang mag-asawa. 'Yon pa nga raw ang inihahanda ni Jim para sa kanilang hapunan.

Itinanong ni Aling Nati kay Hilda kung anong isda ang kanilang nahuli.

"Hindi ko kilala, ewan ko ba kung meron nito sa atin..." ang sagot ni Hilda.

"Anong itsura, at anong kulay, may kaliskis ba?" mabilis namang pag-usisa ni Aling Nati.

Maririnig sa kabilang linya na tinanong ni Hilda ang kanyang asawa kung ano ang tawag sa malaking isda na kanilang nahuli. Sumagot naman si Jim sa kanya.

Kinausap ulit ni Hilda si Aling Nati na naghihintay naman sa telepono. "Ah, kuwan pala, MAKRU. Makru daw ito sabi ni Jim."

"Hah?! Makru?!" halatang nabigla si Aling Nat.

"Oo, yan ang sabi ng asawa ko. Basta malaking isda ito, Nat- makru."

Kahit ako ay napaisip kung anong isda ang tinutukoy ni Hilda... Huminto ako sa pagkain at inisip kung ano kaya ang hitsura ng isdang makru.

Ngunit biglang sumali sa usapan si Aling Siony... "Makru?! Hindi, Nat! Mackerel. Mackerel siguro 'yan."

Biglang natauhan si Aling Nati matapos marinig ang salitang 'mackerel'. Kaya bigla niyang isinigaw sa telepono, kay Hilda sa kabilang linya, "Hilda, mackerel 'yan, hindi makru! Hahahah!"

"Ah, ganu'n ba?! Mackerel pala ito..." ang marahang sagot ni Hilda.

Monday, May 3, 2010

Thursday, April 22, 2010

Au's Untold Story

Easter Monday 2010 at Rundle Mall
corner Rundle and Pulteney Sts., Adelaide City, South Australia